Tainga
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang tainga o tenga ay ang organong pandama na ginagamit sa pagdinig ng mga tunog. May pagkakapareho sa kanilang biyolohiya ang mga vertebrate, mula sa mga isda hanggang sa mga tao, na may pagkakaiba lamang sa istruktura ng tainga ayon sa order at espesye. Gumaganap lamang na tagatanggap ng tunog ang tainga, subalit mayroon ding ginagampanan sa pandamang panimbang at posisyon ng katawan. Parte ng sistemang awditoryo ang tainga.
Sa halos lahat ng mga hayop, ang nakikitang tainga ay isang pilas ng laman na karaniwan ding tinatawag na pinna sa larangan ng anatomiya. Sa anatomiya ng tao, kilala ang pinna bilang awrikulo (Ingles: auricle). May isang pares ng mga tainga ang mga vertebrates, na nakalagay sa magkapantay (simetriko) na lugar sa magkabilang gilid ng ulo. Nakatutulong ang pagkakaayos na ito sa kakayahang tumuon sa pinanggagalingan at kinaroroonan ng mga tunog.