Altair
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Altair (bituing α-Aquilae) isang bituin ng konstelasyong (constellation) Aquila. Ito ay isang kulay puting bituin (white star) na may visual magnitude (pamantayan kung gaano kaliwanag ang isang bituin o planeta) na 0.77. Ito ang ika-12 sa mga pinakamaliwanag na bituin sa langit. Ito rin ay kilala bilang isa sa tatlong bituin ng Tatsulok ng Tag-init (Summer Triangle).
Ito ay tinatayang nasa layong 16.5 light-years (ang layo na nalalakbay ng liwanag sa loob ng isang taon) mula sa mundo. Sa layong ito, ang Altair ay isa sa mga pinakamalapit na bituin na nakikita ng mata nang walang anumang teleskopyo o anumang instrumentong para sa paningin. Ang pangalang "Altair" ay mula sa salitang Arabo “al-nasr al-tair” na nangangahulugang "ang lumilipad na agila".
Kilala ang Altair sa bilis ng kanyang pag-ikot. Sa pamamagitan ng pagsukat sa lapad ng kanyang spectral lines, napag-alaman na ang ekweytor (equator) nito ay nakakabuo ng isang pag-ikot sa sariling aksis (axis) loob lamang ng 6.5 oras. (Ayon sa ibang aklat, ito ay 9 o 10.4 oras.) Kung ihahambing sa ating bituin, ang araw, ito ay napakabilis sa dahilang ang araw ay nangangailangan ng mahigit 25 araw upang makabuo ng isang pag-ikot sa sariling aksis. Bunga ng kanyang napakabilis na pag-ikot, ang hugis ng Altair ay obleyt (oblate)-ang diyametro (diameter) ng kanyang ekweytor ay 14% ang kalamangan sa diyamentro ng kanyang mga poles (North Pole and South Pole).
Ang Altair, at ang mga bituing β-Aquila at γ-Aquila, ang bumubuo sa hanay ng mga bituin na kilala bilang punong katawan ng agila o Aquila.
[baguhin] Mga taguri sa bituing Altair
Sa mitolohiyang Intsik, matutunghayan ang kuwento ng pag-ibig na pinamagatang "Qi Qiao Jie" kung saan si Niu Lang (Altair) at ang kanyang dalawang anak (β-Aquila at γ-Aquila) ay inihiwalay nang panghabangbuhay sa kanilang inang si Zhi Nü (Vega). Si Zhi Nü ay inilagay sa kabilang bahagi ng ilog, ang "Milky Way".
Sa mitolohiyang Hapon, si Hikoboshi (Altair) ay isang pastol ng mga baka na umibig kay Orihime (Vega), isang prinsesang magaling sa paghahabi na anak ng bathala. Mula nang umibig sila sa isa’t isa, napabayaan na nila ang kani-kanilang mga gawain, na siyang naging dahilan upang paghiwalayin sila ng bathala at ilagay sa magkabilang dulo ng ilog na Milky Way. Sa dahilang sila ay naging mga mabuting tao naman, pinayagan silang magkita isang beses sa isang taon, tuwing ika-7 ng Hulyo. Ayon sa alamat, nagtitipon-tipon ang mga ibong magpies sa ilog upang maging tulay na nag-uugnay sa magkabilang gilid ng ilog. Sa gayon, makapagkikita nang muli ang magsing-irog. Ito ay ipinagdiriwang sa Hapon bilang "Tanabata Matsuri" (pista ng Tanabata o ikapitong gabi). Mayroong sariling bersyon ang mga Koreano, si Altair ay isang prinsipe na umibig sa isang mahirap na babaeng si Vega.
Sa astrolohiya, ang Altair ay itinuturing na isang bituin ng masamang pangitain, na nakagisnan mula sa panganib na dulot ng mga reptiles (ahas, buwaya, atbp.).
Sa larangan ng mga kompyuter, ang isa sa mga pinakaunang nalikhang maykro-kompyuter, ang Altair 8800, ay ipinangalan mula sa mungkahi ng anak na babae ng isang taong naatasang mag-isip ng ipapangalan sa kompyuter. Nang ang kanyang anak na babae ay tinanong kung mayroon ba itong naiisip na pangalan para sa kompyuter, itinugon ng bata ang pangalang "Altair" sa dahilang ito ang patutunguhan ng "Starship Enterprise" (sasakyang pangkalawakan) sa pinapanood nitong kabanata (episode) ng "Star Trek".
Sa larangan ng science fiction, ang Altair ay ang lugar kung saan umikot ang kuwento ng pelikulang "Forbidden Planet", at ang nilakihang lugar ni Harlan, isang artipisyal na nilalang na may buhay (artificial lifeform) sa "Stargate SG-1".