Pisika
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang pisika (Ingles: physics; mula sa Griyego φυσικός (fysikós), "likas; natural", and φύσις (fýsis), "kalikasan") ang agham ng kalikasan sa malawak na kaiisipan. Nauukol ito sa pag-aaral ng materya (matter) at enerhiya at ng mga pwersang pundamental ng kalikasan na bunga ng pagniniig ng mga partikula sa isa’t isa. Tinawag itong pilosopiyang likas (natural philosophy) hanggang sa dakong huli ng siglo disenuwebe. Nag-aaral ang mga pisiko ng malawak na kababalaghang pisikal mula sa mga partikulang sub-nukleyar na sangkap ng karaniwang materya (pisikang partikula, particle physics) hanggang sa kabuuan ng sanlibutan (kosmolohiya).
Makikita ang mga tuklas ng pisika sa lahat ng larangan ng agham ng kalikasan (natural sciences) dahil sa ang materya at enerhiya ang pinakapundamental na sangkap ng kalikasan. May ilang katangian na pinag-aaralan sa pisika tulad ng pagpapanatili ng enerhiya (conservation of energy) na karaniwan sa lahat ng sistemang materyal. Ang mga katangiang ito ay kalimitang tinatawag na mga batas ng pisika. Minsang nasabi na ang pisika ang “pinakapundasyong agham”, dahil sa ang ibang agham ng kalikasan (biyolohiya, kimika, heolohiya, atb.) ay tumutukoy sa mga partikular na uri ng sistemang materyal na sumusunod sa mga batas ng pisika. Halimbawa, kimika ang tawag sa agham ng molekula at mga kimika ang nabubuo sa bulto o lagom ng mga molekula. Ang katangian ng isang kimika ay inaalam sa pamamagitang ng katangian ng mga molekulang pumapaloob dito. Tumpak na maipaliliwanag ito sa pamamagitan ng pisika tulad ng mekanika kwatika, termodaynamiks, at elektromagnetismo.
Ang pisika ay napakalapit sa matematika – dahil sa ang matematika ang nagbibigay ng maayos na balangkas kung saan ang tamang pormulasyon at pagtaya ng mga batas pisikal ay tinutuos. Halos lahat ng mga hinuang pisikal (physical theories) ay ipinakikita sa paggamit ng matematika - na kalimitan ay gumagamit ng mas masalimuot na matematika kaysa ibang larangan ng agham. Ang kaibahan sa pagitan ang pisika at matematika ay ang ultimong mithiin ng pisika sa pagpapaliwanag ng materyal na mundo; ang mithiin naman ng matematika ay ang pagpapaliwanag ng mga padrong walang-anyo (abstract patterns) na masumpungan nito kahit anuman ito. Ang pagkakaiba ay di-malinaw. May malaking larangan ng pananaliksik sa pagitan ng pisika at matematika na tinatawag na matematikang pisika – na nakatututok sa pagpapaunlad ng estrukturang matematika ng mga hinuang pisikal.