Kulay
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang mga kulay ay mga katangiang bahid ng mga bagay na nakikita ng mga mata ng tao na maaaring matingkad o mapusyaw.[1] Nanggagaling ang kulay ng kalikasan mula sa sinag ng araw. Pinaghihiwahiwalay ng bahaghari ang lahat ng mga sinag ng araw. Makikita natin sa loob ng bahaghari ang kadalisayan ng bawat kulay.[2]
Mga nilalaman |
[baguhin] Mga uri ng kulay
Ang mga pangunahing kulay (Ingles: mga primary color) ay ang pula, dilaw at bughaw. Nagmumula sa mga ito ang ibang mga kulay, sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng dalawa sa kanila o ng mismong tatlong ito.[2]
Mayroon ding tinatawag na mga magkakatugma, magkakatambal, magkakaparehas o magkakaternong kulay (Ingles: mga complementary color), o ang mga kulay na hindi naglalaban bagkus ay nagtutulungan - lalo na kung magkakatabi - ang mga ito.[2] Kung titingnan ang gulong ng mga kulay, ang mga magkakaternong kulay na ito ay yung mga tuwirang nasa harapan ng bawat isa. Ito ang mga nagtutulungan o magkakaibigang pares ng mga kulay sapagkat kapwa pareho ang lakas o dating nila kapag natingnan ng mga mata. Magkaka-akma ang mga kulay na ito. Halimbawa: kung titingnan ang isang gulong ng mga kulay, hindi kinakalaban ng pula ang katumbas nitong lunti, ang kakambal ng dilaw ay purpura, samantalang katerno naman ng bughaw ang narangha.[2]
Ipinapakita ng sumusunod na paglalarawan ang ugnayan ng mga magkakatugmang kulay:
[baguhin] Kaugnayan ng kulay sa tao
[baguhin] Bilang mga sagisag
Nakapag-uudyok ng damdaming pantao ang mga kulay: kasiyahan o kalungkutan, maging kainitan at kalamigan. Kung kaya't - ayon sa kultura, pananaw, pananampalataya, katangian, at katayuan sa buhay - nagsisilbing mga sagisag at mga palandaan ang mga kulay. Naging kaugnay ng dugo at apoy ang kulay na pula, samantalang ang inuugnay naman ang asul sa kalangitan, at ang berde sa mga dahon at damo. Bilang mga sagisag, ginamit ng mga tao ang kulay bilang mga katumbas-kaisipan (color association): naging simbolo ng mga maharlika ang kulay na purpura, naging pangkaraniwang tanda ng kamatayan at lungkot ang kulay na itim, at ang puti naman bilang pananda ng kapurian at kagalakan. Subalit may ibang mga kalinangan na kaiba ang takbo ng pag-uugnay na ito: may mga bansang naniniwalang ang puti ay simbolo ng kapighatian. Para sa mga Tsino, hudyat ng pagdiriwang at kagalakan ang anumang may bahid na pula. Samantalang para sa mga mamamayan ng Indiya, tanda ng kabanalan ang pula.[2]
[baguhin] Sa larangan ng sining at arkitektura
Ginagamit ng mga artistang pangsining at maging ng mga dalubhasa sa pagpapaganda ng panloob na kayarian ng mga gusali, at ng mga arkitekto ang katangiang-pandamdaming ito ng mga kulay. Pinag-aaralan nila kung paano mapapaaliwalas ang loob at labas ng isang kabahayan o gusali.[2]