Pilosopiya
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pilosopiya ang mapagkilatis na pag-aaral sa mga pinakamalalim na katanungan na maaaring itanong ng sangkatauhan.
Nagmula ang salitang Pilosopiya sa mga salitang griyego na "Philo" at "Sophia". Ang "Philo" ay nangangahulugang "Pagmamahal" at ang "Sophia" naman ay "Karunungan". Kung pagsasamahin, ito ay "Pagmamahal sa Karunungan". Kung kaya't ang Pilosopiya ay palagiang nagtatanong sa mga bagay-bagay upang magbigay linaw, kasagutan at karagdagang karunungan sa nagtatanong.
Kabilang sa itinatanong ng mga pilosopo ay ang mga sumusunod:
- Metapisika: Anong uri ng mga bagay ang umiiral, mga bagay na meron? Ano ang kalikasan ng mga bagay? Meron bang mga bagay na umiiral kahit na hindi natin nadarama? Ano ang kalikasan ng kalunanan at kapanahunan? Ano ang kalikasan ng kaisipan at pag-iisip? Ano ba ang kahulugan ng pagiging isang tao? Ano ba ang kahulugan ng kamalayan? Meron bang diyos?
- Epistemolohiya: Meron nga bang kaalaman? Paano natin nalalaman na may alam tayo? Paano natin malalaman na may iba pang nakapag-iisip?
- Etika: Meron bang pagkakaiba ang matuwid at mga imoral na mga gawain (o pagpapahalaga, o institusyon)? Kung meron, anong uri ang pagkakaibang ito? Anong mga gawain ang matuwid? Anong pinapahalagahan ang sukdulan, o may-kaugnay lamang? Gamit ang mas malawak o mas eksaktong paraan ng pagtalakay, paano ako dapat mabuhay?
Nakatuon ang mga pangkaisipang-modelo (paradigm) ng pilosopiya sa mga pangunahing konsepto tulad ng pag-iral o pagmemeron, moralidad o kabutihan, kaalaman, katotohanan, at kagandahan; kadalasang tinatalakay ng mga pilosopo ang mga mabigat na katanungan sa mga kalikasan ng mga ganitong konsepto — mga katanungan na mahihirapang talakayin sa mga espesyal na mga agham.
[baguhin] Ang paraang pampilosopiya
Marahil, ang paraan na ginagamit nito upang talakayin ang mga katanungan ng mga pilosopo ang pinakamatingkad na pagkakakilanlan sa pilosopiya. Madalas na ikinukuwadro ng mga pilosopo ang kanilang mga tanong sa isang lohikal na anyo, at saka pinagsisikapang sagutin ito na gamit ang lohikal na mga proseso at pangangatwiran, batay sa mapagkilatis na pang-unawa at mga kaugnay na sagot sa mga nauna nang pag-aaral. Ang pagkakasunod-sunod na ito ng mga sagot at kapwa-sagot ang dialektikong proseso.
Isang malaking debate sa pilosopiya kung ang "paghahanap ng sagot" sa mga tanong ng pilosopiya ay tulad din sa paraan ng pagsagot sa tanong ng mga agham-pangkalikasan: kung maaari ba o hindi, bilang halimbawa, na tiyak at hindi na maaaring baguhin pa ang mga pampilosopiyang "kasagutan", at kung may sinasabi din itong kaalaman tungkol sa balangkas ng katotohanan ng lahat ng mga bagay, o kung binibigyang-linaw lamang nito ang paraan ng pag-iisip na nakaugat sa ating wika.
May malapit na kaugnayan sa debateng ito ng paraang pampilosopiya ang debate tungkol sa kaugnayan ng pilosopiya at agham-pangkalikasan, at ang mga pagtatalo kung nakakapagbunga (o maaaaring makapagbunga) ng pag-unlad ang pilosopiya gaya ng pag-unlad na hatid ng nga agham-pangkalikasan.
May buong larangan ng pilosopiya na tumatalakay sa kalikasan ng mga katanungang pampilosopiya, at ang angkop na paraan upang magamit ang isang bahagi upang makarating sa iba pang mga bahagi: ito ang meta-pilosopiya, o (tulad ng tinutukoy na natin) ang "pilosopiya ng pilosopiya".
Hindi nangangahulugan na hindi gaanong mahalaga ang mga debateng ito kung ihahahambing sa kabuuan ng pilosopiya dahil lamang sa may taglay silang mga pansariling larangan: mula pa sa mga sinaunang Griyego at sumunod pang mga panahon, isang mahalagang bahagi ng anumang proyekto ng pilosopiya ang mismong kalikasan at gampanin ng pilosopiya.
Ngunit, hindi nangangahulugan na isang napakahabang debate ito na hindi sakop ng ating sulatin; kaya naman tinatalakay ito sa iba pang mga sulatin na matatagpuan sa iba pang bahagi [ng Wikipedia].
[baguhin] Mga Di-Pampaaralang Gamit sa Salita
Ang madalas na pagkakaintindi ng karaniwang tao sa salitang pilosopiya ay tumutukoy ito sa anumang anyo ng karunungan, o pananaw ng tao hinggil sa buhay (tulad sa "pilosopiya sa buhay") o mga pinag-uugatang prinsipyo o paraan upang makamit ang isang bagay (tulad sa "ang aking pilosopiya sa pagmmamaneho sa malalaking lansangan"). Karaniwang tinutukoy nito ang pananaw sa buhay.
Bilang halimbawa, maaaring ang "pampilosopiyang" pagtugon sa isang malungkot na pangyayari ay bigyang-kahulugan na isang sinasadyang pagkontrol ng isip na hindi pagpapaepekto sa bugso ng damdamin.
Mula sa halimbawa ni Sokrates (Socrates) ang tinutukoy nating pakahulugan. Walang-kaba na ipinaliwanag niya sa kanyang mga mag-aaral ang kalikasan ng kaluluwa habang hinahatulan siya ng kamatayan. Itinuring ng mga Istoiko (Stoics) at iba pang mga paaralan ng pilosopiya noong sinaunang panahon ang kanilang mga sarili na mala-sokrates sa ganitong paraan. Ngunit malayo sa pampaaralang kahulugan sa ngayon ang paggamit ng "pampilosopiya" sa pang-abay nitong kahulugan. Binibigyang-diin sa sulating ito ang pilosopiya bilang isang larangan ng pag-aaral kaysa sa ganitong mga pakahulugan.
[baguhin] Pilosopiya sa Kanluran at Silangan
Merong mga magkakaparehong tanong na pinagsikapang sagutin ng napakaraming tao sa iba't ibang lipunan sa daigdig, at nalikha ang mga tradisyong pampilosopiya batay sa mga akda ng isa't isa. Maaaring di-mahigpit na hatiin ang Pilosopiya sa iba't ibang bahagi batay sa heograpiya. Tumutukoy sa mga tradisyon ng pilosopiya sa Kanluraning kabihasnan ang pampaaralang gamit ng salitang "pilosopiya" sa Europa at Amerika, minsang tinatawag na Pilosopiya sa Kanluran. Sa Kanluran, basta na lamang pinagsasama-sama ang mga tradisyon ng pilosopiya ng Asya at ng Silangan sa salitang "Pilosopiya sa Silangan".
[baguhin] Pilosopiya sa Kanluran
Nagsimula sa Griyego ang tradisyon ng pilosopiya sa Kanluran at nagpapatuloy hanggang sa ngayon.
Kabilang sina Platon (Plato), Aristoteles (Aristotle), Tomas de Aquino (Thomas Aquinas), Cartesio (Rene Descartes), John Locke, David Hume, Immanuel Kant, G.W.F. Hegel, Friedrich Nietzsche, Gottlob Frege, Bertrand Russell, Edmund Husserl, Martin Heidegger, Ludwig Wittgenstein, at W. v. O. Quine sa mga tanyag na mga pilosopo sa Kanluran.
[baguhin] Pilosopiya sa Silangan
Kabilang sina Gautama Buddha, Bodhidharma, Lao Zi (Lao Tzu), Confucius, at Zhuang Zi (Chuang Tzu) sa mga tanyag na pilosopo sa Silangan.
Mas nakatuon ang pagtalakay ng sulating ito sa tradisyon ng pilosopiya sa Kanluran; para sa mas marami pang kaalaman sa mga pilosopiya sa Silangan, basahin ang Pilosopiya sa Silangan.
[baguhin] Pinagmulan
Ang pilosopiya ay mula sa salitang Latin na philosophia (bigkas /pi lo so pi ya/) na nagmula naman sa wikang Griyego na filosofía (sulat Griyego: φιλοσοφία). Literal na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan” (filein = ‘ibigin’ + sofía = ‘karunungan’, sa pakahulugan na malalim at malawak na pagkaunawa sa antas na pangkaisipan) ang salitang "pilosopiya". Hindi kailangang tungkol sa kahulugan ang Etimolohiya, ngunit tila napag-isipan ng mga sinaunang Griyego na gawin itong isang pangunahing gawain na maraming sinasakop, o isang paraan upang harapin ang buhay, kaysa mga tiniyak na kalipunan ng mga katanungang pinag-aaralan.
Ipinalalagay na mula sa Griyegong palaisip na si Pitágoras (Pythagoras) (basahin ang Diogenes Laertius: "De vita et moribus philosophorum", I, 12; Cicero: "Tusculanae disputationes", V, 8-9) ang paggamit ng mga salitang "pilosopo" at "pilosopiya". Tiyak na ibinatay ang palagay na ito sa bahagi ng isang nawawalang akda ni Herakleides Pontikos, isang mag-aaral ni Aristoteles. Ipinapalagay itong isang bahagi ng mga laganap na alamat ni Pitagora nang panahong iyon. Katunayan, hindi ginagamit ang salitang "pilosopiya" noong matagal na panahon bago pa si Plato.
"Pilosopo" ang ipinalit sa salitang "sopista" (mula sa sofoi), na ginagamit upang tukuyin ang "mga matatalinong tao", mga guro ng retorika, na mga pinapahalagahan sa demokrasya ng Ateneo. Maaari nating tawaging mga pilosopo ang ilan sa mga pinakakilalang sopista, ngunit madalas na ginagamit sa mga usapan/diyalogo ni Plato ang dalawang salita upang ipakita ang pagkakaiba ng mga taong inialay ang sarili sa karunungan (mga pilosopo) sa mga taong mayabang na ipinagsasabi na meron silang karunungan, (mga sopista). Madalas na ilarawan ni Socrates (ayon sa paglalahad ni Plato) na walang kakayanan at mapagpanggap ang mga sopista, na gustong itago ang kanilang kabobohan sa likod ng pambobola at paglalaro sa salita, kung kaya napapapaniwala nila ang ibang tao sa mga bagay na walang basehan at hindi totoo. Hanggang sa ngayon, ginagamit na pang-insulto ang salitang "sopista" para sa isang tao na nanghihikayat lamang kaysa nagbibigay-katwiran.
Ayon sa sinaunang pang-unawa at mga akda ng (ilan sa) mga sinaunang pilosopo, saklaw ng pilosopiya ang lahat ng pinagsisikapan ng pag-iisip. Kabilang dito ang mga suliranin ng pilosopiya ayon sa pagkakaintindi natin sa ngayon; ngunit kabilang dito ang marami pang pag-aaral, tulad ng purong matematika at mga agham-pangkalikasan tulad ng pisika, astronomiya at biyolohiya.
(Bilang halimbawa, merong mga akdang isinulat si Aristoteles tungkol sa lahat ng mga paksang ito; hanggang sa ika-17 daantaon/siglo, itinuturing na mga sanga ng "pilosopiya ng kalikasan" ang pisika, astronomiya at biyolohiya). Sa pagdaan ng panahon, nahinog ang mga natatanging larangan sa mga agham na ito at nahiwalay sa pilosopiya bunga ng pagpapalalim ng kaaalaman at ang pagbilis ng teknikal na pag-unlad sa mga mas piling larangan ng pag-aaral: naging espesyal na agham ang matematika sa sinaunang panahon, at naging iba't ibang sangay ng agham-pangkalikasan ang "pilosopiya ng kalikasan" sa pagdating ng Rebolusyon sa Agham.
Sa ngayon, kadalasang nadadalian tayong paghiwalayin ang mga tanong na pampilosopiya sa mga tanong na pang-agham, at dahil ito sa kakayanan nating tukuyin na (hindi tulad sa mga agham) pangsaligan at pambuod ang uri ng mga tanong dito, at dahil alam din natin na hindi ito maaaring maapektuhan/mabago ng iba't ibang mga eksperimentong sinusubukan.
[baguhin] Mga Sangay ng Pilosopiya
Madalas na nahahati ang pagsasaliksik sa pilosopiya sa maraming pangunahing "sangay" batay sa mga tanong na ipinapahayag ng mga tao sa kanilang mga gawain sa iba't iba nitong larangan.
Noong sinaunang panahon, pinakatanyag na pagkakahati ng paksa ang paghahati ng pilosopiya sa Lohika, Etika, at Pisika (itinuturing na pag-aaral sa kalikasan ng daigdig, at kabilang dito ang agham-pangkalikasan at metapisika) ng mga Istoiko
Sa pangkasalukuyang pilosopiya, karaniwang nahahati ang mga piling bahagi ng larangan sa metapisika, epistemolohiya, etika at estetika (na sama-samang bumubuo sa aksiolohiya). Minsan ibinibilang ang Lohika na isa pang mahalagang sangay ng pilosopiya, at minsan din bilang isang hiwalay na agham na madalas na pinag-aaralan ng mga pilosopo, at minsan naman bilang isang natatanging pamamaraang pampilosopiya na maaaring gamitin sa lahat ng sangay ng pilosopiya.
Sa loob ng mga pangunahing sangay na ito, maraming nakakababang sangay na lumalaki at lumiliit sa paglipas ng panahon; minsan nagiging mga maiinit na paksa ang mga nakakababang sangay na ito at pinupunuan nito ang maraming bahagi sa literatura na para bang naging pangunahing sangay na rin.
(Sa nakaraang 40 taon o kalapit nito, ang pilosopiya ng pag-iisip — na kung mahigpit na susuriin, pangunahin ito ngunit isa lamang sa mga nakakababang sangay ng metapisika — nakamit na nito ang ganitong posisyon sa loob ng Pilosopiya ng Analitika. Napakalaking atensyon na ang nakuha nito kaya may ilang nagmumungkahi na ang pilosopiya ng pag-iisip ang pangkaisipang-modelo para sa gawain ng mga kasalukuyang pilosopo ng Analitika.)
Ang ilan sa napakaraming nakakababang sangay sa loob ng pilosopiya ay:
- Aksiolohiya: ang sangay ng pilosopiya na tumatalakay sa:
- Estetika: ang pag-aaral sa mga pangunahing tanong na pampilosopiya tungkol sa sining at kagandahan. Minsan ginagamit ang pilosopiya ng sining upang ilarawan lamang ang mga tanong ukol sa sining, habang "estetika" naman ang mas malawak na salita. Ganon din, minsan namang mas malawak na inilalapat ang "estetika" kaysa "pilosopiya ng kagandahan": upang ibilang ang nakakahanga, nakakatawa, o nakakatakot - sa anumang nadarama natin sa mga gawa ng sining o kasiyahang ipinapalabas.
- Etika: ang pag-aaral sa mga bagay na ginagawang tama o mali ang isang gawain, at ang mga kaisipan tungkol sa tamang gawain na maaaring ilapat sa mga natatanging katanungang pangmoral. Mga nakakababang sangay nito ang meta-etika, kaisipan sa pagpapahalaga, kaisipan sa pag-uugali, at praktikal na etika.
- Epistemolohiya: ang pag-aaral sa kaalaman at ang kalikasan nito, posibilidad, at pangangatwiran.
- Kasaysayan ng pilosopiya: ang pag-aaral tungkol sa mga akda ng mga pilosopo hanggang sa kasalukuyan, ang ibig sabihin nito, ang mga nagsilbing-guro sa iba pang mga pilosopo, at iba pa. Maaaring talakayin ang kasaysayan ng pilosopiya sa pamamagitan ng mala-exehetikal na pagsasalin at pagpapaliwanag (kung saan pangunahing tanong na dapat sagutin sa pagsasalin at pagpapaliwanag ang pakahulugan ng mga nakaraang pilosopo at ang balangkas na nag-uugnay sa kanilang kaisipan) o ang mala-kritikal [mapagkilatis] na paraan (kung saan pangunahing tanong ang lohikal na tanong kung tama o mali ang sinasabi ng mga nakaraang pilosopo, at kung ano ang magiging mga pampilosopiyang bunga ng mga pananaw na ito).
- Lohika: ang pag-aaral ng mga pamantayan ng tamang lohikal na pakikipagtalo. Ang katangi-tanging paraan sa pag-aaral na ito ay ang pagpapaunlad ng pormal na lohika na sumasagisag at tumitimbang sa mga binibitiwang pangungusap sa pakikipagtalo; Proposisyunal na lohika, ang lohika ng mga karaniwang panlarawang pangungusap, ang katangi-tangi nitong paksa. (Mas maliit na bahagi ang binibigyang-diin ng Klasikal na lohika: ang kategorikal na pangangatwiran sa pamamagitan ng silohismo.) Ang mga mas mahirap na unawaing paksa sa lohika ay kadalasang karugtong ng pormal na lohika na sumasagisag sa mga lohikal na ugnayan sa mga iba't ibang aspekto/panig ng wika -- tulad ng modal na lohika, na tumatalakay sa mga modal na pang-abay na nagpapaging-dapat tulad ng "maaaring" at "kailangang", o temporal na lohika, na tumatalakay sa mga lohikal na ugnayan na nakikita sa takdang pamanahon ng isang pangungusap.
- Meta-pilosopiya: ang pag-aaral ng paraang pampilosopiya at ang kalikasan at layunin ng pilosopiya. Minsan ginagamit na halos magsingkahulugan ang salitang "pilosopiya ng pilosopiya".
- Metapisika (kabilang dito ang ontolohiya): ang pag-aaral ng mga pinakapangunahing kategoriya ng mga bagay, tulad ng pagmemeron, pambagay (na pilosopiya), katangian, kasanhian, at iba pa. Madalas na itinuturing na kabilang sa Metapisika ang mga tanong na pinag-aaralan ngayon sa iba pang mga mabababang sangay na pampilosopiya, tulad ng suliranin ng isip-katawan at malayang pasya at determinismo.
- Pilosopiya ng edukasyon: ang pag-aaral ng layunin at mga pinakapangunahing paraan sa pagtuturo o pag-aaral.
- Pilosopiya ng kasaysayan: ang pag-aaral ng mga paraan upang mahango at matanggap ang kasaysayan.
- Pilosopiya ng wika: ang pag-aaral ng mga konsepto ng kahulugan at katotohanan.
- Pilosopiya ng matematika: ang pag-aaral ng mga karanungang pampilosopiya na tinatalakay sa matematika, tulad ng, ano ang mga bilang, at ano ang kalikasan at pinagmulan ng ating kaalaman sa matematika.
- Pilosopiya ng pag-iisip: ang pag-aaral na pampilosopiya sa kalikasan ng pag-iisip, at ang kaugnayan nito sa katawan at sa iba pang bahagi ng daigdig.
- Pilosopiya ng pagdama: ang pag-aaral na pampilosopiya sa mga paksang nauugnay sa pagdama: binibigyang-halaga ang tanong na ano ang mga ?malapitang bagay? ng pagdama.
- Pilosopiya ng pisika: ang pag-aaral na pampilosopiya sa mga pangunahing konsepto ng pisika, kabilang ang espasyo, panahon, at lakas.
- Pilosopiya ng sikolohiya: ang pag-aaral na pampilosopiya sa mga pangunahing tanong tungkol sa mga paraan at konsepto ng sikolohiya at sikayatriya, tulad ng pagkamakahulugan ng mga kaisipan ni Sigmund Freud; itinuturing ito minsan na bahagi ng pilosopiya ng pag-iisip.
- Pilosopiya ng relihiyon: ang pag-aaral sa kahulugan ng konsepto ng Diyos at ang pagkamakatwiran ng paniniwala na merong Diyos.
- Pilosopiya ng agham: kabilang hindi lamang, ang mga nakakababang sangay, ang mga "pilosopiya ng" iba't ibang espesyal na agham (tulad ng, pisika, biyolohiya, at iba pa), kundi pati na rin ang mga tanong tungkol sa induksyon|pagpapagana, pang-agham na paraan, pang-agham na pag-unlad, at iba pa.
- Pilosopiya ng panlipunang agham: ang pag-aaral na pampilosopiya sa ilang pangunahing konsepto, pamamaraan at ipinapalagay sa mga panlipunang agham tulad ng sosyolohiya at ekonomiya.
- Pampulitikang pilosopiya: ang pag-aaral ng mga pangunahing paksa tungkol sa pamahalaan, kabilang ang kahalagahan ng estado, pulitikal na katarungan, kalayaang- pulitikal, kalikasan ng batas, paninilbihan, pagpapatupad ng katarungan at paternalismo.
- Kaisipan sa Pagpapahalaga: ang pag-aaral ng konsepto ng pagpapahalaga. Minsan itinuturing itong singkahulugan ng aksiolohiya, at minsan, sa halip na intindihin ito bilang isang saligang larangan, itinuturing itong isang napakalawak na larangan na sinasaklaw ang etika, estetika at pulitikal na pilosopiya, mga nakakababang sangay na pampilosopiya na may malalim na ugat sa mga tanong sa pagpapahalaga.
[baguhin] Praktikal na Pilosopiya
Maraming praktikal na gamit ang pilosopiya. Pinaka-kapansin-pansin ang mga praktikal na gamit nito sa etika--praktikal na etika-- at sa pampulitikang pilosopiya. Ang mga pampulitikang pilosopiya nina John Locke, Jean-Jacques Rousseau, Karl Marx, John Stuart Mill, at John Rawls ang nagbigay-hugis sa maraming pamahalaan at ginamit upang ipagtanggol ang mga plataporma nito. Dapat ding espesyal na banggitin ang pilosopiya ng edukasyon na itinampok ni John Dewey dahil sa naging malaking epekto nito sa mga paraan ng edukasyon sa Estados Unidos sa ika-20 daantaon.
Ang iba pang mahalaga, ngunit walang dagliang paglalapatan ang matatagpuan sa epistemolohiya, na maaaring makatulong sa isang tao na ayusin ang kanyang pagkakaunawa tungkol sa ano ang kaalaman, ang patunay at ang pinangatwiranang paniniwala.
Tinatalakay ng pilosopiya ng agham ang mga batayan ng pamamaraang pang-agham, kasama ang iba pang mga paksa sa nakakatulong minsan sa mga siyentipiko. Nakakatulong ang estetika upang maintindihan ang mga usapan sa sining. Kahit pa sa ontolohiya, tiyak na isa sa pinaka-abstrakto at tila hindi-gaanong mapapakinabangang sangay ng pilosopiya, merong mga mahalagang dulot ito para sa lohika at agham pang kompyuter.
Sa pangkalahatan, ang iba't ibang "pilosopiya ng -" (piling pag-aaral) tulad ng pilosopiya ng batas, ay makakatulong upang bigyan ng malalim na pang-unawa ang mga dalubhasa tungkol sa mga kaisipang-ugat ng kanilang napiling larangan ng pag-aaral. Higit sa lahat, kailan lamang, nagkaroon ng pag-unlad sa paglaki ng propesyon na itinalaga para sa praktikal na gamit ng pilosopiya para sa mga tanong ng karaniwang buhay: pagpapayong pampilosopiya.
[baguhin] Pagkakaiba ng Pilosopiya sa iba pang larangan ng pag-aaral
[baguhin] Agham-Pangkalikasan
Noong pasimula, inilalapat ang salitang "pilosopiya" sa lahat ng pinagsisikapan ng pag-iisip. Pinag-aralan ni Aristoteles ang tinatawag natin ngayong biyolohiya, meteorolohiya, pisika at kosmolohiya, kasama ng kanyang metapisika at etika. Kahit noong ika-18 daantaon, ibinibilang ang pisika at kimika sa "pilosopiya ng kalikasan", kung saan pinag-aaralan sa pilosopiya ang kalikasan. Ibinibilang ngayon ang mga paksang ito sa agham.
Dating nasa poder ng mga pilosopo ang sikolohiya, ekonomiya at linguistika dahil sila lamang ang nag-aaral ng mga ito noon, ngunit mahina na ngayon ang kanilang koneksiyon sa mga larangang ito. Sa huling bahagi ng ika-20 daantaon, makikitang binubuo ang agham na pangkognitibo (cognitive science) at artipisyal na karunungan (artificial intelligence) mula sa "pilosopiya ng pag-iisip."
Isinasagawa ang pilosopiya sa paraang a priori. Hindi ito maaaring paunlarin sa pamamagitan ng mga eksperimento. Ngunit, may mga bagay din na nag-uugnay sa pilosopiya at agham lalo na sa katangian at pamamaraan nito; may ilang pilosopo ng Pilosopiya ng Analitika na nagsasabing ang paraan ng pag-aanalisa (kung saan hinahati ang kabuuan sa maraming bahagi at isa-isang pinag-aaralan ng malaliman ang bawat bahagi nito) ang nakakatulong sa mga pilosopo na gayahin ang mga pamamaraan ng agham-pangkalikasan; ipinapalagay ni Quine na bahagi ng agham-pangkalikasan ang pilosopiya, mas abstrakto nga lamang ito. Ang pananaw na ito, na tinatanggap ng nakararami ngayon, ay tinatawag na pilosopiya ng naturalismo.
Kadalasang may inilalaang panahon ang mga pilosopo sa pag-aaral ng iba't ibang sangay at pamamaraan ng agham, at dahil dito, di-tuwirang napag-aaralan ang paksa ng mga agham na ito. Isang malaking debate kung may bukod-tanging paksa ang pilosopiya. Matagal na panahong itinuring na mga paksa ng pilosopiya ang etika, estetika at metapisika, ngunit maraming pilosopo, lalo na sa ika-20 daantaon, ang nagtatakwil sa itinuturing nilang mga walang-halagang tanong na ito, (ang Sirkulo ng Vienna, na nagsusulong ng "logical positivism").
Sinisikap ng pilosopiya na ipaliwanag ang pangkalahatang saligan at kaurian ng kaalaman {sa agham at kasaysayan), at sa ganitong paraan nagiging isang uri ito ng "agham ng agham", ngunit may iba namang nagsasabi na nililinaw lamang nito ang mga sinasabi at isinusulong ng iba pang mga agham. Ipinapahiwatig nito na pilosopiya siguro ang pangkalahatang pag-aaral ng kahulugan at pangangatwiran; ngunit may iba namang nagsasabi na hindi ito agham, o kasalungat naman, na agham nga ito kaya hindi dapat pag-aralan ng mga pilosopo.
May mga bagay na pareho sa lahat ng mga pananaw na ito: na anuman ang pinakapuso ng pilosopiya, o anuman ang tinatalakay nito, mas "abstrakto" kaysa karamihan ng (iba pang) mga agham-pangkalikasan ang pangkalahatang pamamaraan ng pilosopiya. Hindi ito ganong umaasa sa karanasan at experimentasyon, at wala itong direktang pakinabang na maibibigay sa teknolohiya. Isang pagkakamali ang paghanay ng pilosopiya sa kahit na anumang agham-pangkalikasan; isang hindi pa nasasagot na tanong kung maaaring ituring na magkapareho ang pilosopiya at ang mas pinalawak pang pagpapakahulugan sa agham.
[baguhin] Pilosopiya ng Agham
Isang masiglang pag-aaral ito para sa mga pilosopo at mga siyentipiko. Madals na binabanggit at binibigyang-kahulugan ng mga pilosopo ang iba't ibang uri ng eksperimento (tulad sa pilosopiya ng pisika at pilosopiya ng sikolohiya). Ngunit hindi ito nakapagtataka: layunin ng mga sangay na ito ng pilosopiya na unawain sa pampilosopiyang antas ang mga eksperimentong ito. Sa mga pag-aaral na ito, hindi nagsasagawa ng eksperimento at nagbubuo ng mga teorya ng agham ang mga pilosopo sa kanilang kakayanan bilang "mga pilosopo". Hindi dapat ituring ng kapareho ng sinusuri nitong agham ang pilosopiya ng agham, gaya na rin na hindi halaman o hayop ang biyolohiya.
[baguhin] Teolohiya at Pag-aaral sa Relihiyon
Tulad ng pilosopiya, hindi kailangan ang mga eksperimento sa pag-aaral ng relihiyon. May mga bahagi ang teolohiya, kabilang ang mga tanong kung meron at ano ang kalikasan ng diyos, na tinatalakay din sa pilosopiya ng relihiyon.
Itinuring ni Aristoteles na ang teolohiya ay isang sangay ng metapisika, ang pinakasentro ng pilosopiya, at bago sumapit ang ika-20 daantaon, malaking bahagi ang inilaan ng mga pilosopo sa pagsagot ng mga tanong sa teolohiya. Kaya may kaugnayan ang mga pag-aaral na ito. Ngunit may bahagi ng mga pag-aaral sa relihiyon, tulad ng paghahambing sa mga pangunahing relihiyon sa daigdig, na malinaw na hiwalay sa pilosopiya tulad ng pagkakaiba ng iba pang mga agham na panglipunan sa pilosopiya. Mas may pagkakalapit ang mga ito sa kasaysayan at sosyolohiya, at may kaugnay na pagsasagawa ng espesyal na pagmamasid sa iba't ibang gawain sa relihiyon.
Hindi na pangunahin ang gampanin ng relihiyon sa pilosopiya. Sa tradisyon ng mga Empirisista sa makabagong pilosopiya, madalas na itinuturing na lampas sa saklaw ng kaalaman ng tao ang mga tanong sa relihiyon, at marami naman ang nagsasabi na walang literal na kahulugan ang wikang pangrelihiyon: kaya hindi ito ang mga tanong na dapat sagutin.
May ibang mga pilosopo na naniniwalang hindi mahalagang talakayin ang kahirapan sa pagkalap ng mga patunay, kaya meron sa kanilang sumasang-ayon, sumasalungat o tungkol lamang sa mga paniniwalang panrelihiyon sa dahilang pangmoral o iba pa ang tinatalakay.
Ngunit para sa mas nakararami sa pilosopiya ng ika-20 daantaon, konti lamang ang mga pilosopo na seryosong tumatalakay sa mga tanong na pangrelihiyon.
[baguhin] Matematika
Ginagamit ng matematika ang pinaka-eksakto at pinakamahigpit na mga paraan ng pagpapatunay na minsan (ngunit napakadalang) lamang tinutularan ng mga pilosopo. Karamihan sa mga pilosopiya ang isinulat sa paraang tuluyan (prosa), at bagaman nilalayon nitong maging malinaw at tukoy, hindi nito mapapantayan ang uri ng linaw na matatagpuan sa matematika. Kaya naman bihirang pagtalunan ng mga matematiko kung ano ang kahuli-hulihang sagot, habang hindi naman magkasundo ang mga pilosopo sa kanilang iba-ibang sagot at pamamaraang pampilosopiya.
Ang Pilosopiya ng Matematika ay sangay ng pilosopiya ng agham; ngunit sa maraming paraan, may espesyal na kaugnayan ang matematika sa pilosopiya. Dahil ito sa pag-aaral ng lohika na pinakasentrong sangay ng pilosopiya, at matematika ang modelong-pangkaisipan ng lohika. Sa huling bahagi ng ika-19 at ika-20 daantaon, malaki ang naging pag-unlad ng lohika, at napatunayan na maaaring isalin sa lohika ang matematika. Bagaman hindi madalas, nahahawig sa paggamit ng matematika sa agham ang paggamit ng pormal at pang-matematikang lohika sa pilosopiya.
[baguhin] Ilan sa mga maaaring masaklaw na pahayag kung ano ang pilosopiya
Kaya para bang isang pag-aaral na humahango ng kaalaman mula sa mga karaniwang may-pinag-aralan ang pilosopiya, at hindi ito nangangailangan ng eksperimentasyon at maingat na pagmamasid, bagaman binibigyang-kahulugan nito ang mga aspektong pampilosopisya ng mga eksperimento at napagmasiran.
Maaari nating sabihin nang may pagmamalaki na pilosopiya ang pag-aaaral na sinusuri ang ang kahulugan at katwiran ng ating mga pinakamahalagang paniniwala, gamit ang mga pamamaraang pampilosopiya.
Ngunit paano ba natin dapat unawain ang salitang "mga pinakamahalagang paniniwala"?
Mahalaga ang paniniwala kung tungkol ito sa aspekto ng daigdig na karaniwang matatagpuan, at maituturing na aspektong bumabalot sa lahat kahit saan. Bilang halimbawa, [pinag-aaralan ng pilosopiya ang mismong pag-iral, pagmemeron. Pinag-aaralan din nito ang pagpapahalaga --kabutihan ng bagay-- sa malawak na paraan.
Sa buhay ng tao, tiyak na nakikita natin kahit saan ang kahalagahan ng kabutihan at pagpapahalaga, at hindi lang kabutihang pangmoral ang tinutukoy natin, kundi ang mas malawak na kabutihan na nagugustuhan natin, halimbawa, sa isang mansanas, sa isang obra maestra ng isang pintor, o sa isang mabuting tao (kung meron nga kayang isang katangian na nag-uugnay sa lahat ng mga ito na matatawag nating "mabuti"). [Hindi lamang masarap ang mansanas, mabuti rin itong kainin. Hindi lamang maganda ang isang obra maestra, may buti rin itong hatid sa damdamin ng nakakakita. Hindi lamang may dangal ang bawat tao, may kabutihan din ang bawat isa na dapat makilala.]
Pinag-aaralan din naman ng pisika at iba pang mga agham ang pinakamalawak na mga aspekto ng mga bagay; ngunit sa pamamaraang gumagamit ng mga eksperimento. Hindi naman gumagamit ng eksperimento ang pilosopiya sa mga pag-aaral nito. Napakalawak nga ang mga aspektong ito ng mga bagay; bilang halimabawa, itinatanong ng mga pilosopo kung ano ang mga pisikal na bagay sa mismong pag-iral nito, na kakaiba sa mga katangian ng mga bagay at ang ugnayan sa pagitan ng mga bagay, at kung ano ang kaibahan nito sa pag-iisip o sa kaluluwa.
Ipinagpapatuloy ng mga pisiko ang kanilang pag-aaral na para bang malinaw at tuwiran ang pagiging pisikal ng katawan --at siguro, ganito nga ito matutuklasan-- ngunit, ganito ipinapalagay ito ng pisika, at saka lamang nagtatanong kung paanong kumikilos ang mga pisikal na katawan, at mula dito, saka naman nagsasagawa ng mga eksperimento upang hanapin ang mga sagot.
[baguhin] Paano makakapagsimula sa pilosopiya
Isang pambobola (ng ilang manunulat para sa pambungad na seksyon sa mga aklat ng pilosopiya) ang sabihin na may pilosopiya ang bawat tao, lalo na at hindi nila malalim na napag-iisipan ito o hindi nila mapapatunayan ito. Ngunit ganon din naman, hindi ginagamit ng mga pilosopo ang salitang "pilosopiya" tulad sa sinasabi ng karaniwang tao na "ito ang aking pilosopiya sa buhay..." Ganito ang hidwaan ng pangkaraniwang pagtuturo at seryosong pagpapakadalubhasa.
Kung gusto mong mag-aral ng pilosopiya, siguro para ito sa ikagaganda ng iyong pananaw sa buhay, o siguro naiisip mong magandang maintindihan ang pinakasinaunang pinag-aralang mga tanong sa buhay. Sa kabilang dako, kung hindi mo naiintindihan ang pinag-uusapan dito, dapat mo sigurong basahin ang kahalagahan ng pamimilosopiya, kung saan ipinapaliwanag kung bakit "namimilosopiya" ang tao, at basahin din ang paraang pampilosopiya na makakatulong upang maunawaan kung paanong nag-iisip ang mga pilosopo. Makakatulong din ang alamin ang mga sinasabi tungkol sa kung ano ang pilosopiya.
Pinapayuhan ang mga bago pa lamang na nag-aaral ng pilosopiya na magbasa tungkol sa lohika, metapisika, pilosopiya ng pag-iisip, pilosopiya ng wika, epistemolohiya, pilosopiya ng agham, etika at pampulitikang pilosopiya na mga itinuturing – bagaman maaaring tutulan - na mga pinakamahalagang paksa ng pag-aaral.
Isa sa mga mahalagang pambungad na aklat dito ang Think ni Simon Blackburn.
Doon sa mas gustong mag-aral ng pilosopiya na may kasama, maaaring makipag-ugnayan sa mga pribadong samahan tulad ng Society for Philosophical Inquiry.
[baguhin] Mga Sipi
"Agham ang alam natin at pilosopiya ang hindi natin alam." - Bertrand Russell
"Ano ang layunin ng pilosopiya? Ang ipakita sa langaw kung paano siya makakalipad palabas ng boteng pinagkukulungan sa kanya." - Ludwig Wittgenstein
"Pilosopiya, n. Ang dinadaanan ng lahat ng maraming mga daan na naghahatid mula sa kawalan papunta sa wala." - Ambrose Bierce
[baguhin] Mga Pampilosopiyang Paksa, Paliwanag at Kilusan
Matatagpuan sa seksyong ito ang iba pang sulatin tungkol sa Pilosopiya sa Tagalog na edisyon ng Wikipedia. (Patuloy na madaragdagan)
[baguhin] Mga Kilalang Pilosopo
- Aristotle
- Rene Descartes
- Plato
- Baruch Spinoza
- Socrates
- Thomas Aquinas
- David Hume
- Immanuel Kant
- Gilbert Ryle
- John Locke
- Gottfried Leibniz
- Isaac Newton
- Galileo Galilei
[baguhin] Mga Kawing Panlabas
- Pilosopo Tasyo: Samahan ng mga Guro ng Pilosopiya sa Pilipinas
- Roque J. Ferriols, S.J., Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa
- Roque J. Ferriols, S.J., Pambungad sa Kursong Pilosopiya
- Mga Websayt ng Pilosopiya – Listahan ng Pamantasan ng Tel Aviv
- Ensayklopediya ng Pilosopiya sa Stanford
- Ensayklopediya ng Pilosopiya sa Internet
- Wikisource